PEBRERO AT MARSO
sa pagsulpot ng Pebrero
nabubuhay na lang ako
sa pagbebenta ng libro
gutom na kung wala ito
ngayong Marso, gayon pa rin
kakilala'y aalukin
upang aking libro'y bilhin
nang may pambiling pagkain
bagong pagkakakitaan
na ang kinakailangan
habang tuloy ang tulaan
anupaman ang pagitan
kayhirap nang nag-iisa
bagamat kasama'y masa
walang magpayong maganda
sa tulad kong biyudo na
gayon din kayâ sa Abril
na búhay na'y sinisikil
kaypayat na't walang bilbil
karapata'y nasusupil
kapalaran ma'y kay-ilap
ang solo'y di nililingap
sana ako'y makahanap
ng pagkakitaang ganap
- gregoriovbituinjr.
03.23.2026

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento