Huwebes, Nobyembre 6, 2025

Ang paalala sa kalsada

ANG PAALALA SA KALSADA

bakit mo tatawirin ang isang lansangan
kung tingin mo'y magdudulot ng kamatayan
mayroon doong babala, sundin lang iyan
pag nabundol ka ba'y kaylaking katangahan?

huwag sayangin ang buhay, dapat mag-ingat
huwag magyabang na malakas ka't maingat
sasakya'y di lata, katawa'y di makunat
bawat babala'y dapat ipagpasalamat

di ba't kaylaking babala nang binasa mo
ang "Bawal Tumawid. May Namatay Na Dito"
madaling intindihin, wikang Filipino
pag di mo unawa, banyaga ka ba rito?

pag babala: "Bawal bumaba", e, di huwag!
pag babala: "Bawal lumiko", e, di huwag!
pag babala: "Bawal tumawid" e, di huwag!
paano pag "Bawal umutot!" anong tawag?

huwag maging tanga, huwag basta tumawid
may tulay naman, dumaan doo'y matuwid
kung nagmamadali ka, dapat mong mabatid
na bawat paalala'y mag-ingat ang hatid

- gregoriovbituinjr
11.06.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento